PAGTATAPOS NG 120-ARAW NA FEEDING PROGRAM, IDINAOS

Matagumpay na idinaos ang pagtatapos ng 120-araw na Feeding Program noong ika-22 ng Mayo 2018 sa Barangay Pilaway Covered Court sa pangunguna ng Lokal na Pamahalaan katuwang ang Kabisig ng Kalahi, Mead Johnson at Unilever Philippines.

Nilahukan ng animnapung (60) batang may edad na 3-6 na taon mula sa Barangay Pilaway at Barangay Dinahican ang programa kung saan sumailalim ang mga batang kalahok sa deworming at anim (6) na buwang pagbibigay ng masustansiyang pagkain at masusing pagmomonitor ng kanilang nutrisyon at kalusugan. Bahagi pa rin ng naturang programa ang pagbibigay sa mga bata ng informal pre-school education upang maihanda sila sa pormal na pagbubukas ng mga eskwelahan ngayong darating na pasukan. Ayon sa mga pag-aaral, malaki ang gampanin ng tamang nutrisyon o malusog na pangangatawan sa pagtatagumpay sa akademya kung kaya’t patuloy na sinusulong ng Lokal na Pamahalaan sa pangunguna ng Tanggapan ng Lokal na Kagawaran ng Kagalingang Panlipunan at Pagpapaunlad ang mga programang tumutugon sa pagbibigay ng wastong nutrisyon sa mga bata katuwang ang mga pribadong sektor at ang Pambansang Pamahalaan. Namahagi rin ng mga school supplies sa mga batang lumahok sa programa sa pangununa ng Punong Bayan Filipina Grace R. America katuwang ang mga nabanggit na pribadong sektor bago matapos ang Graduation Ceremony.